Posted by jolog on February 3, 2008
Isa sigurong ikinaiinggit ko na kulang sa ‘Pinas at naguumapaw dito sa Alemanya ay ang tubig. Madami nga tayo nito, ngunit wala naman sa tamang lugar: nasa kanal at kalsada. Sa aking pinanggalingang siyudad sa Maynila, may oras ang paglabas ang tubig sa gripo. Parang nirarasyon. Baka sabihin ng iba ay dapat hindi ako nagrereklamo kung ikukumpara ang sarili sa ibang bansa na hindi pa nalalpatan ng tubo ng tubig, bagamat ang problema nga lang ay ang kalidad ng tubig na lumalabas dito. Palibhasa ay malapit kami sa dagat, maalat-alat din ang lasa nito. Masmalala ito noong bagong lipat kami. May mga panahon na walang tubig, at kinakailangan naming mag-igib sa poso sa likod ng subdibisyon. Tinawag pa itong isang siyudad, kung ‘di naman nalalayo sa pamumuhay ng mga taga-bundok. Kung tutuusin, mas-maigi pa nga ang kanilang pamumuhay, kahit man lang sa mapagkukuhaan ng malinis at maiinom na tubig.
Dito sa Alemanya, humanga talaga ako nang sabihin sa akin na lahat ng tubig na lumalabas sa gripo ay maaaring inumin. Hindi lang sa isang siyudad o rehiyon. Sa buong bansa. Nito ko lang napag-isip na sa atin, kailangan nating bumili ng tubig na pang-inom sa takot na magkasakit kung subukang uminom ng tubig mula sa gripo.
Sa kabilang banda, kahit naiinom ang tubig nila sa gripo dito sa Alemanya, hilig naman nila ang bumili at uminom ng tubig na may karbon. Ang turing nila dito ay parang mineral water sa atin. Ang turing ko naman dito ay walang lasang sopdrinks. Isang nakakatuwang kabaliktaran, na ang aking tugon ay ang pagkibit-balikat na lamang.
Posted in living the (jolog) life, philosophization | Tagged: lifestyle | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 30, 2008
Bago ako matulog kagabi, pinulot ko ang isang aklat na tumatalak sa malikhaing pagsusulat. Matagal ko na itong hiniram sa silid-aklatan ng pamantasan, ngunit nagsilbi lamang na patungan ng pandak na lampara. Nakasaad sa aklat na ugaliing magsulat agad paggising sa umaga. Unang bagay matapos unatin ang mga buto at magkuskos ng muta sa mata. ‘Di kailangang may saysay ang isinusulat. Basta magsulat lang ng magsulat. Ganyan ang ginawa ko sa tala dito kahapon.
May dumagdag na ngayon sa aking pang-umagang ritwal. Bago o ‘di kaya’y matapos tumulak sa palikuran, maligo, at magbihis, dapat magsulat. Papano na ang aking agahan? Kahulugan ba nito’y magiging dead hungry na ako ng tuluyan? Parang alipin na din ang dating. Ngunit marami pa din ang gingustong maging alipin, dahil matapos ang paglikha ng isang talata, taludtod o letra, ang manunulat sa kanyang sarili ay diyos na din ang turing.
Posted in philosophization | Tagged: writing | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 29, 2008
Nahuli ako ng pitong minuto sa aming pagpupulong at dumating na halos humahangos matapos umakyat hanggang sa ika-limang (ika-anim kung sa ‘Pinas) palapag ng dormitoryo. Hindi ko ugaling dumating ng huli sa mga pagpupulong o kung sa anumang bagay. Medyo nakakatuwa dahil ang isa kong kasama sa pangkat ay taga-Espanya, na madalas ma-ikwadra sa pagiging huli at tamad (sounds familiar?) ay dumating sa takdang oras. Ang isa naman ay walang problema dahil sa kanilang bahay kami nagpulong. Gigising lang siya at tatayo, ayos na.
Kung tatanungin, ang pagiging huli ay ‘di ko nakasanayan, at sa iba ay kinaiinisan. Mayroon akong kaibigan sa ‘Pinas na gawaing mahuli, siguro dahil sa idiom na ‘fashionably late.’ Idiot ang gumawa ng idiom na ‘yan. Minsan ay napagkatuwaan namin siya. Sinabihan naming dumating ng isang oras na mas-maaga. Lingid sa kanyan kaalaman ay ‘di kami dadating matapos ang isang oras na sinabi namin sa kanya. Ang lagay ay dumating siya sa takdang oras. Kawawang bata.
May mga kultura na tinuturing na ‘di kagandahan ang pagdating ng maaga, subalit ang pagiging huli ay higit pa ring ‘di kaaya-aya. Minsang nasabi ng aking propesor na ito’y isang uri ng pagnanakaw. Walang karapatang mahuli ang isang tao, dahil ang naghihintay ay para na din ninanakawan ng oras. Bilang pagsalin sa isang bantog na sawikain, ang paglipas ng oras ay katumbas ng pagkatunaw ng ginto. (woah!)
Posted in philosophization | Tagged: lifestyle | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 27, 2008
Bakit walang online version ang paborito kong mamamahayag na si Xerex Xaviera sa website ng Abante-Tonite? Pwede naman nilang ilagay ‘yun sa entertainment, opinion, o kaya sa public service section nila. Malamang mauungusan pa nila ang Inquirer kung ilalagay nila sa internet ang kanyang mga likha. Wala namang problema masyado sa Inquier, na-e-enrich pa nga ang English vocabulary ko, ngunit kung tutuusin angat pa din ang writing style ni Xerex.
Sinong gusto mag-volunteer para magsulat ng petition sa Abante website hinggil dito?
Dito nga sa Germany, nakabuyangyang lang ang Playboy sa mga tindahan. Pero ‘di ako bumibili. Umaaligid lang sa ibang sections at kung may pagkakataon, tumitingin lang ng palihim).
Posted in philosophization | Tagged: technology | Leave a Comment »