Patuloy pa din akong nag-aaral ng Aleman kahit nag-uumapaw na ang pagliban ko sa klase dahilan sa tambak na gawain sa pamantasan. Masaya naman mag-aral ng Aleman, lalo na pag pakiramdam mo ikaw ang pinaka-magaling bumigkas sa lahat. Kung may grado ang pagbigkas, malamang ay ako ang mangunguna. Siguro totoo ngang madaling makibagay at matuto ang mga Pinoy, maging sa pagaaral ng banyagang wika.
Ang ayaw ko lang na bahagi ay tuwing uuwi na, kung saan eksaktong paalis na ang tram kung kailan naman ako padating sa lugar-tambayan (tram stop) kung saan ito tumitigil. Nakakainis tuwing ito’y nangyayari, na madalas. Para kang inaasar, nabubuska, at kulang na lang ay mag-belat ang kustero at mga pasahero habang sila’y umaandar. Nakaka-ubos ng pasensiya, lalo na ngayon na ubod ng lamig. Nanunuot sa kalamnan, kaugatan, at kabutuhan na lamig. Sa halos dalawang kilometrong layo ng aking dormitoryo, masmaigi pang maglakad ng 20 minuto kaysa 15 minutong paghihintay ng nakatayo para sa susunod na tram.
Madali ang patakaran sa tram. Walang konduktor, ngunit ‘pag nahuli kang nandadaya at walang tiket, magbabayad ka ng 40 Euro. Noong unang buwan ko dito, nakasaksi ako ng isang banyagang nahuling walang ticket. ‘Di ko alam kung maaawa ako o sisisihin ko siya sa nangyari sa kanya. Para pang nananakot talaga ‘yung konduktor. “Das ist 4o Euro, 40 Euro!” paulit-ulit na sambit niya. Kalaunan ay kinuha ang kanyang pasaporte ng ‘di makabayad. Schwarzfahrer ang tawag sa mga taong sumasakay ng tram (o bus o tren) ng walang tiket. Palakasan lang ng loob. May mga panahon na din akong sumakay ng tram ng walang tiket. Hindi naman ito sinasadya dahil naiwan ko ang wallet ko kung saan nakaipit ang tiket. Sa kabutihang palad ay ‘di ako nahuli sa mga panahong ‘yon. Malimit pa na nalalaman kong naiwan ko ang aking wallet at tiket ‘pag nakadating na ako sa aking patutunguhan.
Kanina ay nalaman ko na naiwan ko ang wallet ko nang makarating ako sa silid-aralan. Kanina na din ay naiwan na naman ako ng tram. Walang tiket, walang tram, at nangangagat kalamigan. ‘Pag ganito ang kinahihinatnan, lakaran ang patakaran.