Isang nakamamanghang aspeto ng Alemang kultura ang pag-gamit ng palikuran. Sa kabila nang mataas na antas ng teknolohiya kahit sa maliit na sulok nito: awtomatikong gripo sa lababo, mainit at malamig na tubig, at palagiang pagkakaroon ng sabon at tisyu, may dalawang simpleng gawain na kung ako’y tatanungin ay tatak Aleman din. Una ay ang pagpupunas ng dingding at pagpulot ng kabuhukan (ginagawa kaya itong peluka?) sa lugar ng pinagliguan. Ito’y upang hindi maipon ng dumi at marka ng tubig. Tatlong iba-ibang paliguan na ang napuntahan kong ganito ang patakaran. Kung saan ako ngayon nananahan, hindi ito ginagawa dahilan sa may naglilinis ng aming palikuran
Isa pa ay ang paggamit ng kasilyas. Papasok ka dito ng walang bahid ng dumi, at dapat mo din itong lisanin na kasing linis o higit pa. Noong mga unang araw ko dito sa Alemanya, may namuong kaunting tensiyon sa aming tirahan dahil sa naiwang marka na kumaraskas sa inidoro, at hindi nasama sa paglunok nito. Walang umamin kung sino ang nagmarka sa teritoryo. Para maibsan ang tensiyon, at dahil ako’y baguhan na ayaw ng kaguluhan, nagkusa na lang akong linisin ito. Kung sino man ang may gawa noon, tubuan sana ng pigsa sa puwet.
Hindi din kakaiba kung makakakita ka ng mga larawan na nagsasabing pa-upo lamang pwedeng gamitin ang inidoro, mapa-babae man o lalaki.
Kung ako man ay maging mambabatas, malamang ay isa ito sa mga unang batas na aking ipatutupad, sa ngalan ng disiplina at kalinisan.