Skyline
Posted by jolog on January 29, 2008
May kaliwanagan na nang magising ako. Tumingala ako pa-kanan at sinilip ang bintana sa malapit sa aking kinahihigaan (sa liit ng aking silid, lahat ng bagay ay malapit sa aking kinahihigaan). Nagunita ang mga unang sinag ng araw. Dahil lango pa sa pagtulog, akala ko’y may lamat ang aking bintana nang makita ang isang puting linya. Isa pala ito sa mga utot, este usok, ng isang sasakyang panghimpapawid.
Madalas akong makakita ng mga ganitong guhit dito sa Alemanya, lalo na sa mga maaliwalas na panahon. Minsan sa dami nila, aakalain mong naglalaro sila ng mataya-taya sa himpapawid. Kung ito’y maging totoo at mataya ng isang eroplano ang isa pa, tiyak na panghabambuhay na silang taya matapos ang kanilang habulan at bungguan sa ere. Hindi maari ang taym-perst at salingpusa. Sa mga pagkakaton ding ito, naiisip ko kung ilang carbon dioxide ang kanilang iniaalay tulong sa pandaigdigan pagbabago ng klima. Lagot sila kay Tito Al (Gore, distant relatives kami).
May nakilala akong isa sa kanila, isang Turkong matagal nang naninirahan sa Alemanya, nang naglakbay ako sa Tuebingen, isang linggo bago magsimula ang pasukan. Lumalabas na isa itong pampalipas oras, hobby ba. Tinanong ko siya kung pwede akong sumama minsan sa kanyang hobby. ‘Oo,’ ang sabi niya. Madali naman palang kausap. ‘Pag natuloy ang pagkakataong ito, at kami’y lulan na ng kanyang sasakyang panghimpapawid, yayayain ko siya hindi para maglaro ng mataya-taya, ngunit para mag-joy ride. Maaari kami sigurong sumaglit sa Pilipinas.
Morning glory « JOLO in Germany said
[...] may saysay ang isinusulat. Basta magsulat lang ng magsulat. Ganyan ang ginawa ko sa tala dito [...]