Posted by jolog on January 31, 2008
Naikabit naman ni kuya na naikwento ko dito ang aking walang-kawad na internet sa pamantasan noong isang araw. Matapos ang isang oras niyang pagkamot sa ulo, pagkunot ng noo, sa huli ay nagtagumpay naman. Nakapagtataka nga lang dahil kahapon ay sinubukan ko muling kumabit sa internet, ngunit hindi gumana ang aking panglakwatsa sa kasaputan (web browser). At isa pang kababalaghan ay nakakabit naman ako sa Skype. Hindi ko naman ginamit kahapon ang aking laptop sa ibang paraan, datapwat wala dapat itong ipagkaiba sa inasal noong huling araw.
Tuloy ang aming pagtutuos ni kuya sa pagpunta sa sapot ng teknolohiya. Siguro dapat na akong bumalik sa mainframe computer. Hindi ako maka-langoy sa bilis ng agos ng pagbabago. Napadalhan ko na siya ng nakakakuryenteng sulat (e-mail), at ang pagkakaintindi ko ay nasa baksyon siya hanggang sa ika-anim ng Pebrero. Na-stress siguro sa aking mga kahilingan at napa-bakasyon ng ‘di oras. Sana ‘wag naman.
Posted in living the (jolog) life | Tagged: technology | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 30, 2008
Bago ako matulog kagabi, pinulot ko ang isang aklat na tumatalak sa malikhaing pagsusulat. Matagal ko na itong hiniram sa silid-aklatan ng pamantasan, ngunit nagsilbi lamang na patungan ng pandak na lampara. Nakasaad sa aklat na ugaliing magsulat agad paggising sa umaga. Unang bagay matapos unatin ang mga buto at magkuskos ng muta sa mata. ‘Di kailangang may saysay ang isinusulat. Basta magsulat lang ng magsulat. Ganyan ang ginawa ko sa tala dito kahapon.
May dumagdag na ngayon sa aking pang-umagang ritwal. Bago o ‘di kaya’y matapos tumulak sa palikuran, maligo, at magbihis, dapat magsulat. Papano na ang aking agahan? Kahulugan ba nito’y magiging dead hungry na ako ng tuluyan? Parang alipin na din ang dating. Ngunit marami pa din ang gingustong maging alipin, dahil matapos ang paglikha ng isang talata, taludtod o letra, ang manunulat sa kanyang sarili ay diyos na din ang turing.
Posted in philosophization | Tagged: writing | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 29, 2008
Patuloy pa din akong nag-aaral ng Aleman kahit nag-uumapaw na ang pagliban ko sa klase dahilan sa tambak na gawain sa pamantasan. Masaya naman mag-aral ng Aleman, lalo na pag pakiramdam mo ikaw ang pinaka-magaling bumigkas sa lahat. Kung may grado ang pagbigkas, malamang ay ako ang mangunguna. Siguro totoo ngang madaling makibagay at matuto ang mga Pinoy, maging sa pagaaral ng banyagang wika.
Ang ayaw ko lang na bahagi ay tuwing uuwi na, kung saan eksaktong paalis na ang tram kung kailan naman ako padating sa lugar-tambayan (tram stop) kung saan ito tumitigil. Nakakainis tuwing ito’y nangyayari, na madalas. Para kang inaasar, nabubuska, at kulang na lang ay mag-belat ang kustero at mga pasahero habang sila’y umaandar. Nakaka-ubos ng pasensiya, lalo na ngayon na ubod ng lamig. Nanunuot sa kalamnan, kaugatan, at kabutuhan na lamig. Sa halos dalawang kilometrong layo ng aking dormitoryo, masmaigi pang maglakad ng 20 minuto kaysa 15 minutong paghihintay ng nakatayo para sa susunod na tram.
Madali ang patakaran sa tram. Walang konduktor, ngunit ‘pag nahuli kang nandadaya at walang tiket, magbabayad ka ng 40 Euro. Noong unang buwan ko dito, nakasaksi ako ng isang banyagang nahuling walang ticket. ‘Di ko alam kung maaawa ako o sisisihin ko siya sa nangyari sa kanya. Para pang nananakot talaga ‘yung konduktor. “Das ist 4o Euro, 40 Euro!” paulit-ulit na sambit niya. Kalaunan ay kinuha ang kanyang pasaporte ng ‘di makabayad. Schwarzfahrer ang tawag sa mga taong sumasakay ng tram (o bus o tren) ng walang tiket. Palakasan lang ng loob. May mga panahon na din akong sumakay ng tram ng walang tiket. Hindi naman ito sinasadya dahil naiwan ko ang wallet ko kung saan nakaipit ang tiket. Sa kabutihang palad ay ‘di ako nahuli sa mga panahong ‘yon. Malimit pa na nalalaman kong naiwan ko ang aking wallet at tiket ‘pag nakadating na ako sa aking patutunguhan.
Kanina ay nalaman ko na naiwan ko ang wallet ko nang makarating ako sa silid-aralan. Kanina na din ay naiwan na naman ako ng tram. Walang tiket, walang tram, at nangangagat kalamigan. ‘Pag ganito ang kinahihinatnan, lakaran ang patakaran.
Posted in estudyante blues, living the (jolog) life | Tagged: lifestyle | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 29, 2008
Nahuli ako ng pitong minuto sa aming pagpupulong at dumating na halos humahangos matapos umakyat hanggang sa ika-limang (ika-anim kung sa ‘Pinas) palapag ng dormitoryo. Hindi ko ugaling dumating ng huli sa mga pagpupulong o kung sa anumang bagay. Medyo nakakatuwa dahil ang isa kong kasama sa pangkat ay taga-Espanya, na madalas ma-ikwadra sa pagiging huli at tamad (sounds familiar?) ay dumating sa takdang oras. Ang isa naman ay walang problema dahil sa kanilang bahay kami nagpulong. Gigising lang siya at tatayo, ayos na.
Kung tatanungin, ang pagiging huli ay ‘di ko nakasanayan, at sa iba ay kinaiinisan. Mayroon akong kaibigan sa ‘Pinas na gawaing mahuli, siguro dahil sa idiom na ‘fashionably late.’ Idiot ang gumawa ng idiom na ‘yan. Minsan ay napagkatuwaan namin siya. Sinabihan naming dumating ng isang oras na mas-maaga. Lingid sa kanyan kaalaman ay ‘di kami dadating matapos ang isang oras na sinabi namin sa kanya. Ang lagay ay dumating siya sa takdang oras. Kawawang bata.
May mga kultura na tinuturing na ‘di kagandahan ang pagdating ng maaga, subalit ang pagiging huli ay higit pa ring ‘di kaaya-aya. Minsang nasabi ng aking propesor na ito’y isang uri ng pagnanakaw. Walang karapatang mahuli ang isang tao, dahil ang naghihintay ay para na din ninanakawan ng oras. Bilang pagsalin sa isang bantog na sawikain, ang paglipas ng oras ay katumbas ng pagkatunaw ng ginto. (woah!)
Posted in philosophization | Tagged: lifestyle | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 29, 2008
May kaliwanagan na nang magising ako. Tumingala ako pa-kanan at sinilip ang bintana sa malapit sa aking kinahihigaan (sa liit ng aking silid, lahat ng bagay ay malapit sa aking kinahihigaan). Nagunita ang mga unang sinag ng araw. Dahil lango pa sa pagtulog, akala ko’y may lamat ang aking bintana nang makita ang isang puting linya. Isa pala ito sa mga utot, este usok, ng isang sasakyang panghimpapawid.
Madalas akong makakita ng mga ganitong guhit dito sa Alemanya, lalo na sa mga maaliwalas na panahon. Minsan sa dami nila, aakalain mong naglalaro sila ng mataya-taya sa himpapawid. Kung ito’y maging totoo at mataya ng isang eroplano ang isa pa, tiyak na panghabambuhay na silang taya matapos ang kanilang habulan at bungguan sa ere. Hindi maari ang taym-perst at salingpusa. Sa mga pagkakaton ding ito, naiisip ko kung ilang carbon dioxide ang kanilang iniaalay tulong sa pandaigdigan pagbabago ng klima. Lagot sila kay Tito Al (Gore, distant relatives kami).
May nakilala akong isa sa kanila, isang Turkong matagal nang naninirahan sa Alemanya, nang naglakbay ako sa Tuebingen, isang linggo bago magsimula ang pasukan. Lumalabas na isa itong pampalipas oras, hobby ba. Tinanong ko siya kung pwede akong sumama minsan sa kanyang hobby. ‘Oo,’ ang sabi niya. Madali naman palang kausap. ‘Pag natuloy ang pagkakataong ito, at kami’y lulan na ng kanyang sasakyang panghimpapawid, yayayain ko siya hindi para maglaro ng mataya-taya, ngunit para mag-joy ride. Maaari kami sigurong sumaglit sa Pilipinas.
Posted in living the (jolog) life | Tagged: travel | 1 Comment »
Posted by jolog on January 28, 2008
Noong ako’y nasa ating Inang Bayan pa, kahit ‘di kayamanan, halos walang pagkakataon na ako’y nakakdanas ng gutom. Bihira akong umaalis ng aming haybol nang ‘di nag-aalmusal, na kalimitan ay dilis, tuyo, at itlog (thus the term jologs). Kung sakali man, ako’y pinagbabaunan ng aking mahal na ina ng pan de sal na may palamang maling, tuna spread, o ‘di kaya’y keso.
Dahil sa kawalan ng oras tuwing umaga bago pumasok sa pamantasan, medyo dumalas na ng kaunti (mga once a week lang naman) ang pagkakataong ‘yon magmula nang ako’y dumating dito sa Alemanya. Wala pang isang oras na magsimula ang aming talakayan ay maririnig ko nang nagwewelga ang aking mga alaga sa tiyan. Ang aking nagiging solusyon ay impitin ang aking sikmura, at tumakbo sa suking panaderia pagdating ng recess. Kung minsan bumibili na lang ako ng pongkan (healthy living daw) malapit sa may hintayan ng tram.
Kung talagang walang-wala, kinakapalan ko na lang ang mukha ko at nagiging dead hungry sa aking mga kaklase (hindi ko naman sila kinakain), at nanghihingi ng kanilang baon. Dahil dito, naging close ako sa ilan sa kanila. Close ako sa mga kamag-aral kong nagdadala madalas ng chocolates (parang Nokia ang dating ah, user-friendly na, connecting people pa!).
Posted in living the (jolog) life | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 28, 2008
Tatlong linggo pa ang aming hinihintay bago ang aming sem-break, ngunit ngayon pa lang ay napi-feel ko na ang kabanayaran ng mga sandaling wala nang aalalahanin. Sa loob ng tatlong linggo, halos sampung araw kaming walang pasok, ngunit ito’y nakalaan sa aming pangkat na gawain, na maari naming isingit sa pagitan ng pamamasyal, pagba-blog, at pag-inom ng beer (in increasing degree of importance ‘yan).
Ang aming pangkat na gawain ay isang pagsusuri sa dagat ng Mediteranya at isyu ng tubig sa mga bansang nakapalibot dito. Ang napili kong lugar ay ang rehiyon ng Andalusia sa Espanya, kung saan gumagapang papaloob ng Espanya ang industriyang pangsaka ng luntiang bahay (green house?) na tinatamnan ng kamatis, letsugas, atbp. Ang aming pangkat ay kinabibilingan ng dalawang mujeres na kamag-aral mula sa Espanya (gracias!) at isa mula sa India.
***
Sa kasawiang palad, hindi pa din ako maka-kabit sa walang-kawad (wireless?) na internet dito sa pamantasan dahil sa sobrang ka-hi-tech-an na VPN Client na ‘yan. Papano ako magba-blog niyan habang nasa klase? Ginulo ko na nga ang buhay ng nagangasiwa sa mga makinang ito ngunit pati siya ay walang kalaban-laban. Kinalabog niya ang aking laptop dahil sa kanyang kawalan ng kasagutan. Muli kaming magtutuos bukas.
Posted in estudyante blues | Tagged: technology | 2 Comments »
Posted by jolog on January 27, 2008
Walang tomahang naganap ‘di tulad ng plano namin kanina, at nag-hang out na lang kami sa isang Spanish bar sa kabihasnan. Bukod sa Espanyola kong kaklase, kasama din namin ang dalawa pa naming kaklase: isang Indiano na hindi pa nahuhulasan ng pagkalasing kagabi, at isang Hapon na galing sa pag-i-snowboarding. Gusto ko din subukan mag-snowboarding, para cool din ang dating. ‘Pag may nagtanong sa akin sa ‘Pinas kung anong sport ko, sasabihin ko, “mahilig akong mag-snow boarding.” ‘San ka pa! Baka dumausdos na lang sa lupa ang kausap ko ‘pag narinig niya ‘yan.
Solo namin ‘yung bar. ‘Di naman nakakapanibago dahil ghost town dito tuwing Linggo at holidays. Iba-iba ang inorder namin. Si Spanish ay cold chocolate, si Indian ay coffee, at si Japanese ay wine. Medyo nataranta ako at ‘di nakapag-decide agad… Hindi ako sanay sa mga kapi-kapihan na ganito. Sa ‘Pinas, isang bote lang ng gin with matching sipol for pulutan ay talu-talo na. Eine heisse Schokolade, bitte (One hot chocolate, please- magalang!) ang bumulalas sa aking bibig. Aakalain mong special na inumin pero simpleng mainit na tsokolate lang ‘yun, pero topped with a generous serving of whipped cream. Hindi naman Ovaltine o Milo standards.
Napagkasunduan naming mag-uwian matapos ang isa’t kalahating oras na huntahan.
Posted in living the (jolog) life | Tagged: lifestyle | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 27, 2008
Bakit walang online version ang paborito kong mamamahayag na si Xerex Xaviera sa website ng Abante-Tonite? Pwede naman nilang ilagay ‘yun sa entertainment, opinion, o kaya sa public service section nila. Malamang mauungusan pa nila ang Inquirer kung ilalagay nila sa internet ang kanyang mga likha. Wala namang problema masyado sa Inquier, na-e-enrich pa nga ang English vocabulary ko, ngunit kung tutuusin angat pa din ang writing style ni Xerex.
Sinong gusto mag-volunteer para magsulat ng petition sa Abante website hinggil dito?
Dito nga sa Germany, nakabuyangyang lang ang Playboy sa mga tindahan. Pero ‘di ako bumibili. Umaaligid lang sa ibang sections at kung may pagkakataon, tumitingin lang ng palihim).
Posted in philosophization | Tagged: technology | Leave a Comment »
Posted by jolog on January 27, 2008
Tingnan mo nga naman si Madam President, feeling upgraded din. Hindi siya sa isang 5-star hotel matutulog, kundi sa the only 7-star hotel in the world! Ako nga minsan lang makatuloy sa hotel hindi pa five-star. ‘Yan ay kung meron akong kakilalang matutulog doon o kaya pumupuslit papasok sa mga conferences kung saan may free food! Busog na, masarap pa!
Mission: Maging close kay GMA!
Posted in living the (jolog) life | Tagged: lifestyle, politics | Leave a Comment »