Isa sigurong ikinaiinggit ko na kulang sa ‘Pinas at naguumapaw dito sa Alemanya ay ang tubig. Madami nga tayo nito, ngunit wala naman sa tamang lugar: nasa kanal at kalsada. Sa aking pinanggalingang siyudad sa Maynila, may oras ang paglabas ang tubig sa gripo. Parang nirarasyon. Baka sabihin ng iba ay dapat hindi ako nagrereklamo kung ikukumpara ang sarili sa ibang bansa na hindi pa nalalpatan ng tubo ng tubig, bagamat ang problema nga lang ay ang kalidad ng tubig na lumalabas dito. Palibhasa ay malapit kami sa dagat, maalat-alat din ang lasa nito. Masmalala ito noong bagong lipat kami. May mga panahon na walang tubig, at kinakailangan naming mag-igib sa poso sa likod ng subdibisyon. Tinawag pa itong isang siyudad, kung ‘di naman nalalayo sa pamumuhay ng mga taga-bundok. Kung tutuusin, mas-maigi pa nga ang kanilang pamumuhay, kahit man lang sa mapagkukuhaan ng malinis at maiinom na tubig.
Dito sa Alemanya, humanga talaga ako nang sabihin sa akin na lahat ng tubig na lumalabas sa gripo ay maaaring inumin. Hindi lang sa isang siyudad o rehiyon. Sa buong bansa. Nito ko lang napag-isip na sa atin, kailangan nating bumili ng tubig na pang-inom sa takot na magkasakit kung subukang uminom ng tubig mula sa gripo.
Sa kabilang banda, kahit naiinom ang tubig nila sa gripo dito sa Alemanya, hilig naman nila ang bumili at uminom ng tubig na may karbon. Ang turing nila dito ay parang mineral water sa atin. Ang turing ko naman dito ay walang lasang sopdrinks. Isang nakakatuwang kabaliktaran, na ang aking tugon ay ang pagkibit-balikat na lamang.